Isang araw, may
isang kayumanggi at walang lamang kahon ang naiwan sa isang sulok ng
tindahan. Maya-maya’y may isang lolong nagdikit ng papel sa kahong
walang laman. Hindi mabasa ng kahon ang nakasulat pero sabi ng kahon sa
sarili, “Salamat at mayroon pa pala akong silbi kahit isang basurahan”.
Dati kasi siyang kahon ng sigarilyo.
Dumaan ang ilang araw, isang kasambahay
ang naglagay ng isang manikang madumi ang damit at ang dilaw na buhok ay
di pantay ang gupit. Natuwa ang kahon dahil nagkaroon na siya ng
laman, isang basurang manika.
“Kumusta, manika?” ang bungad na bati ni Kahon. “Sa hitsura mo’y parang pinaglaruan ka yata ng batang sa iyo’y umampon.”
“Uy, kaibigan. Maigi ngang nandito ako sa
loob mo,” sagot ni Manika. “Kung alam mo lang ang aking kwento,
pihadong pati ikaw’y manlulumo.”
“Tutal, dalawa lang naman tayo, makikinig ako sa kwento mo,” ngiti ni Kahon.
“O sige. Ako’y isang magandang manika
noong una. Gintong mais ang aking buhok at mabango ang damit kong kulay
pula. Madami ang sa akin ay nagbakasakali ngunit sabihin nating mayamang
bata ang nagmay-ari. Ang hindi ko lang inaasahan, mayroon siyang panget
na ugali. Kaming mga laruan ay hindi iniingatan at madalas gawan ng
kalokohan. Biruin mong ilublob ako sa putikan at gupitin ang buhok kong
ginintuan. Hay, nasayang lang ang aking ganda sa isang batang hindi
marunong magpahalaga.”
“Masaklap pala ang iyong sinapit sa isang batang ugali’y malupit,” yun na lang ang sinabi ni Kahon sa kanyang unang bisita.
Ilang araw ang lumipas, may amang naglagay naman ng isang asul na robot sa kahon.
“Kamusta, Robot,” sabay na bati nina Kahon at Manika.
“Hay, eto, nakakahiya na ang hitsura.
Bali ang isang kamay at lagyan man ng baterya ay di na gumagana. Ano pa
nga ba, isa na akong basura!” dismayadong sagot ni Robot.
“Makikinig kami sa kwento mo, tutal tatlo lang naman tayo,” ang paunlak ni Kahon.
“O, sige. Ganito yun. Ako’y isang robot
na modelo ng isang sikat na robot sa telebisyon. Binili ako ng isang
mabait na tatay para sa kanyang bunsong anak. Tuwang-tuwa sa akin ang
bunso, pero naiinggit naman sa kanya ang panganay na kapatid. Minsang
naglalaro si bunso, nakiusap ang kuya niya na hiramin ako pero naging
madamot ito. Nainis ang mas matanda kaya bigla akong hinaltak sa kanya.
Pinag-agawan nila ako at parehong ayaw magpatalo.”
“Hay, may mga bata talagang dapat dinidisiplina,” sambit ni Manika.
“Oo nga. Ang nangyari, nahulog ako sa
semento, nabali ang kamay at nabasag pa ang lagayan ng baterya. Nang
malaman ng ama, pinalo pareho ang dalawang bata at ako’y itinapon na
lang. Ang sabi ng ama, kayong dalawa ay dapat nagbibigayan. Itatapon ko
na lang ang robot upang kalimutan ang ugaling karamutan. At hindi ako
bibili ng anumang laruan, hangga’t di ninyo natututunan ang magbigayan
ng anumang kagamitan,” ang malungkot na salaysay ni Robot.
“Sabagay, dapat talagang nagbibigayan ang bawat isa, lalo na sa pamilya,” ang sabi na lang nina Manika at Kahon sa isa’t isa.
Kinabukasan, isang binata naman ang naglagay sa kahon ng isang magara at makintab na itim na kotse-kotsehan.
“Kamusta, Kaibigan,” ang bati nina Manika at Robot, “Maligayang pagdating sa basurahan.”
“Eto, malungkot, ” matamlay na sagot ng bagong dating.
“Ha? Anong ikinalulungkot mo? Sa hitsura mo, ika’y bagong-bago, ano ba ang kwento, kaming tatlo ay makikinig sa ‘yo,” ani Kahon.
“Ganito kasi yun. Hindi bata ang bumili
sa akin. Isang binatang mahilig bumili ng laruang sasakyan pero hindi
naman niya nilalaruan. Itinatago sa istante, ayaw maalibukan, walang
pakinabang. Bumili nang bumili pero pandisplay lang. Hay, gusto kong
sabihin sa kanya, ako’y isang laruan. Tanging hiling ko’y may batang
ngingiti habang ako’y pinaglalaruan.”
“Pero anong nangyari at napunta ka dito?” tanong ni Manika.
“Ang binata kasi ay sa ibang bansa na
maninirahan, pinili niya ang pinakamagaganda niyang laruang-sasakyan
upang dalhin sa ibang bayan. At akong hindi napili, heto, napunta sa
isang basurahan.”
“Iyan ang isang pinakamasaklap na
mangyari sa isang laruan, ang hindi man lang mahawakan ng isang bata,”
nanghihinayang na nasabi ni Robot.
Sumunod na araw, isang dalaga ang naglagay ng isang laruang oso sa kahon.
“Maligayang pagdating sa iyo, laruang oso,” sabay-sabay na bati nina Manika, Robot, Kotse-kotsehan at Kahon.
“Uy, marami na pala kayo dito, salamat naman at hindi na ako mag-iisa,” wika ng kadarating na kulay rosas na laruan.
“Apat pa lang naman kaming nagkukuwentuhan, ikaw ba, pwede ka bang kahuntahan?” sambit ni Kahon.
“Aba’y oo naman, ganito ang aking
karanasan. Ako’y isang laruang nagsilbing kaibigan. Isang dalagita ang
sa akin ay bumili at mga sikreto niya’y sa akin lang sinasabi.
Nakakatuwa naman at ako’y kanyang inalagaan. Ilang taon din kaming
naging magkakwentuhan, pero..” napalitan ng lungkot ang mukha ni Laruang
Oso.
“O, bakit, akala ko ba’y masaya ang iyong karanasan,” tanong ni Robot.
“Nagtataka nga ako kung bakit ako
inilagay dito. Basta sabi niya sa akin, dalaga na siya. Matanda na raw
siya para sa kagaya ko, kung kaya’t ako’y kanyang pakakawalan. Bulong
niya’y may makapulot sa aking bata na ituturing din akong kaibigan.”
“Mabuti naman at hindi naman pala masama
ang iyong karanasan, may dahilan naman pala ang iyong naging kalaro,”
ang sabi ni Kotse-kotsehan.
Lumipas pa ang mga araw at malapit nang
mapuno ang kahong dating walang laman na naging basurahan. Parati kasing
may naglalagay ng mga kung anu-anong basura sa kanya. Iba-ibang laruan.
Iba-ibang kulay. Iba-ibang hugis. May bolang kupas at sombrero ng
mangkukulam na butas. May espadang patpat at may lumang trumpo. May
laruang bus, gitara at barko. Mayroon pa ngang mga damit ng diwata, nars
at sundalo. Lahat ay may mga baong kwento.
Ang huling nagdagdag ng basura ay ang
lolong naglagay sa kahon sa isang sulok ng tindahan. Ang kanyang
inilagay ay mga bareta ng luwad.
“Uy, may mga kakaibang bagay na nadagdag sa basurahan,” ang bungad ni Manika.
“Kami ay mga basurang laruan, pero kayo ba ay ano?” tanong ni Robot.
“Sabon ba kayong ayaw bumula?” tanong ni Kotse-kotsehan.
“Baka naman kending hindi mabili,” wika ni Robot.
“O kaya tsokolateng luma na at inaamag,” hula naman ng ibang mga laruan.
“Mga kaibigan, kami ng aking mga kasamahan ay maituturing ding laruan,” sagot ni Puting Luwad. “Ang tawag sa amin ay Luwad.”
“Luwad, anong luwad?” nagtataka na din si Kahon.
“Mga simple lang kami kung tutuusin.
Isang bulag na bata ang sa amin ay nagmay-ari. Nabulag daw sa paglalaro
ng mga walis-tingting. Ang batang bulag ay naging malulungkutin at
nawalan ng tiwala sa sarili,” simulang kwento naman ng Berdeng Luwad.
“Mabuti na lang at iniregalo kami sa
kanya ng kanyang lolo. At ang dalawa’y parati na ngang nagsama sa
paghulma sa amin ng kung anu-anong hugis. Pati nga kami’y namamangha sa
kanilang ginagawa,” nakangiting salaysay naman ni Kahel na Luwad.
“Kami marahil ang naging paraan upang
mabuksan ang angking kakayahan ng batang bulag. Dahil nawalan ng
paningin, pinagana niya ang kanyang malawak na imahinasyon. Nakabuo siya
ng iba-ibang hugis at iba-ibang bagay base sa kanyang nahahawakan.
Naging mahusay na mahusay siya at noon lang nanumbalik ang tiwala niya
sa sarili. Alam ninyo bang isa na siya ngayong mahusay na alagad ng
sining?” pagmamalaki naman ni Lilang Luwad.
“Sining? Ano naman ang sining? Laruan din ba iyun?” tanong ulit ni Kahon.
“Ang Sining ay tumutukoy sa anumang
kasanayan kung saan ipinapakita ng isang tao ang kagandahan sa kanyang
paligid base sa kanyang nararamdam, nakikita, naririnig, naaamoy, at
nararanasan. Alam ninyo bang ang batang bulag ngayon ay isa ng tanyag na
iskultor at makata?” nakangiting sabi ni Abong Luwad.
“Nakakabilib naman. Sana ay may makapulot
sa atin na mga batang malilibang at matututo sa atin.” Iyun na lang ang
nasambit ng mga lumang laruan sa loob ng kahon.
Nasa gayon silang pagkukuwentuhan nang
tuluyang isinara ng lolo ang kayumangging kahon. Natakot ang mga laruan
dahil alam nilang sa Bundok ng Basura ang kanilang pupuntahan.
Sabay-sabay silang nagdasal.
“Sana ay mapulot kami ng mga batang
hangad ay kasiyahan at paglilibang. Mga batang matututo sa amin ng
pagkakaibigan at pagbibigayan. Mga batang ngingiti at matutuwa kapag
kami ay nahawakan. At nawa’y magmulat sa kanilang imahinasyon upang
kuminang ang kanilang mga talento. Mga batang mag-aalaga, mag-iingat,
magpapahalaga at magmamahal sa aming mga laruan at ituturing kaming
mahalagang parte ng kanilang kabataan.”
Mahaba ang nilakbay ng kahon. Ang mga
lumang laruan naman ay mistulang mga batang naglalaro sa loob nito.
Nag-umpugan. Tumambling. Nagbungguan. Nagpabalentong. Napataas.
Napababa. Pabalikwas-balikwas. Bumabali-baligtad. Nawala sa isip nila
ang pag-aalala sa pupuntahang Bundok ng Basura.
Hanggang ang kahon ay nakarating sa isang trak ng puno rin ng mga kahong kagaya niya. At ngayon lang niya nabasa ang nakasulat.
“Kahon ng Kasiyahan, Panahon ng Pagbibigayan. Laruan Para sa Bahay-Ampunan.”
At muling napangiti si Kahon. At sa isip
niya’y gumuhit ang masayang larawan ng mga batang sabik sa laruan at mga
laruang sabik sa pagmamahal ng mga kabataan.
Wakas
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento